Matagumpay na idinaos noong Martes (November 27) ang libreng pa-concert ng Coca-Cola na “Barangay Coke Studio” na naganap sa Gilarmi Covered Court, Barangay Holy Spirit, Quezon City.
Umabot sa libo-libong mga manonood ang nakiisa sa free concert kasama ang isa sa mga artists ng Coke Studio Philippines Season 2: Homecoming na “December Avenue”. Kabilang sa mga chart-topping hits na inawit ng December Avenue sa concert ay ang “Sa Ngalan ng Pag-ibig” at “Kung Di Rin Lang Ikaw” na duet song nila ni Moira dela Torre.
Bago ang concert, nagkaroon na ng mga palaro at mga raffle draws para sa mga masusuwerteng mananalo ng giveaways mula sa Coca-Cola.
Ang Barangay Coke Studio concert tour ay bahagi ng proyekto ng Coca-Cola upang palakasin ang Original Pilipino Music sa bansa. Bukod sa Barangay Holy Spirit, ginanap rin sa kalapit nitong Barangay Pasong Tamo ang free concert ng Coke Studio Philippines.
Magaganap sa December 7, 2018 ang culminating leg ng Coke Studio Philippines concert tour sa Mall of Asia Concert Grounds kung saan magpeperform ang lahat ng artist na kabilang sa programa na mapapanood tuwing Linggo ng umaga, 11:15 am sa ABS-CBN Channel 2 at sa YouTube account ng Coca-Cola Philippines. (Gab Ferreras, contributor)